Posted 7 months ago

Freakin’ Frightenin’ Panaginip

Yeah, napagpasyahan na ng sanlibutan. Nakamit ko na ang pinaka-una kong failing grade since birth.

Noong una, gusto ko nang magpatiwakal. Pero sabi ng kasama ko, ‘wag daw muna. Naisip ko, ”Oo nga, next year na lang. Magugunaw na naman ang mundo next year eh. Buwahaha!

Pero ngayon, nakapag-“move on” na ako. Mas nauna pa akong nakapag-move on para sa grades ko kaysa para sa nawala kong cellphone. HAHAHAHA!

Naghanap ako ng video sa youtube about Famous Failures, at nang mapanood ko ang isang video about sa mga taong nagkaroon ng mga failure sa buhay nila ngunit naging matagumpay (ex: Michael Jordan, The Beatles, Abraham Lincoln, Walt Disney, Thomas Edison), na-insipire ako. Isang statement mula sa nasabing video ang tumatak sa isipan ko: “If you’ve never failed, you’ve never lived.”

Ngayon, puro paglalaro na lang ng RO Valk at paggawa ng “literary/fictional” stories ang pinaggagagawa ko.

At, since sembreak naman, i-ta-try ko nang i-pa-publish ‘yung natapos kong nobela. HAHAHAHA! Try lang naman eh.

Ayun, goodluck na lang sa Earth. :D

Oo, at wala na namang koneksyon ang title ng post na ‘to sa nilalaman. Lagi naman eh. Buwahaha! >:)

[ Lesson: “We learn from failures, not from success!”
Ika nga nila Jun Kazama, Michelle Branch at ng mga sundalo sa buong mundo:
“Failure should not be an option.”
Goal (Anonymous): “Ito na ang una’t huli.”

-Facebook Status 10/21/11 ]

Posted 8 months ago

Sa Pagkagunaw ng Mundo - XXVII

Sa Pagkagunaw ng Mundo

“Kapag nagugunaw na ang mundo, sinong ililigtas mo? Ang taong mahal mo ngunit hindi ka mahal o ang taong minahal ka ngunit hindi mo pinansin… …o ang sarili mo?”

Chapter XXVII - Ang Paghinga Sa Huling Halakhak

Araw ng Lunes, ika-30 ng Disyembre, 2012…

Ilang araw makalipas ang matinding sakuna na sumira at nagdulot ng napakalaking pinsala sa mundo, unti-unti ng kumkilos ang sangkatauhan upang ibalik sa kaayusan ang planetang ating tinitirahan.

Sa mga nagdaang araw ay napagtanto ng buong mundo na walang kinalaman ang kung anu-anong propesiya sa muntikang pagkagunaw ng mundo, bagkus ito’y naganap dahil sa kapabayaan ng mga tao sa kalikasan. Kanilang naisip, na hindi matutunaw ang mga bulubunduking yelo sa Hilaga’t Timog na parte mundo, o mabilis na tataas ang baha o kaya’y guguho ang ilang bundok, kung hindi nila puputulin ang mga puno at paninipisin ang “ozone layer”.

Maaaring wala na silang kasalanan kung bakit lumindol at nagkabagyo dahil ito’y natural, mababawasan naman ang mga bilang ng mga nasawi kung tigilan nila sana nila ang pagigiing salaula.

Ngunit, ika nga ng isang kasabihan: “Nasa huli ang pagsisisi.”

Noong araw ding iyon, muling nagkita sina Margarita at Lloyd nang magsalubong ang dalawa sa loob ng isang gusali na kung saan nagpaparehistro ang mga biktima ng kalamidad at kukuha ng lisensya para sa panibagong matitirahan.

Pareho pa nilang hindi makalimutan ang mga pangyayaring naganap, isang linggo na ang nakakaraan, na nagpabago sa takbo ng kanilang buhay. At dahil tatlong araw na silang hindi nagkikita, simula nang makababa sila ng barko, ay tila nanibago sila sa isa’t-isa. Para bang ayaw nilang pansinin ang dati nilang sinisinta.

Nagkatinginan sila, nakatayo sa gitna ng maraming tao, nagpapakiramdaman. Matapos ang ilang segundo ng pananahimik ay nagsalita si Lloyd, “Margarita, kamusta? Nakakuha ka na ba ng lisensya?

Ngunit hindi siya sinagot ng dalaga. Lumingon ito sa kaliwa at saka naglakad palayo kay Lloyd. Nagulat si Lloyd sa inasal ni Margarita at dahil sa pagkagulat ay sumigaw siya upang mapukaw niya ang pansin nito.

Mahal mo pa ba ‘ko?!” sigaw ng binata.

Sa lakas ng pagkakasigaw ng binata’y narinig siya ng lahat ng tao sa lugar na iyon. Sa pagkakataong ito’y si Margarita naman ang nabigla sa ginawa ni Lloyd. Natigil siya sa paglalakad, lumaki ang kanyang mga mata, at bahagyang nahiya nang makita niyang nakatingin ang mga tao sa kanilang dalawa.

Ngunit hindi nahiya ang binata’t tinuloy ang kanyang pagsasalita nang pasigaw. Anya, “Sabihin mo sa’kin kung wala ka nang nararamdaman para sa’kin. Murahin mo ako dahil sa lahat ng ginawa kong mali. Gawin mo na ngayon. ‘Wag mo na akong paasahin. Gusto ko lang na malaman mo… na minamahal kita… ng sobra-sobra. I love you more than anything you could ever imagine.

Pagkatapos na pagkatapos magsalita ni Lloyd ay siya namang sagot ni Margarita, na para bang pinaghandaan niya ang kanyang sasabihin, at hindi man lang lumingon kay Lloyd. Tugon ng dalaga, sa isang malumanay na boses, “It doesn’t matter if you love someone more or love someone less, as long as it’s true, it’s enough.

Biglang nabuhayan ng dugo si Lloyd sa kanyang nadinig. “Ma-margarita… does that mean…” itatanong niya sana kung may pag-asa pa siya sa puso ng dilag nang muli itong magsalita.

Isang mahalagang araw para sa’kin ang araw bukas. Please… ‘wag mo muna ‘tong sirain. At Lloyd… I’m not ashamed or scared if I have no one to love me now, like a boyfriend. What I’m afraid of is growing up unloved.” wika ng dalaga, at saka tumakbo palayo.

Naiwan si Lloyd na nakatayo sa gitna, pinagtitinginan ng marami. Nagsimula nang bumagsak ang kanyang mga luha. Yumuko siya’t pumikit, pilit na kinakalimutan ang masasaklap na pangyayari sa kanyang buhay. Pilit na kinakalimutan si Margarita.

Noong una’y hirap pa si Zach imulat ang kanyang mga mata. Pakiramdam niya’y sa sobrang tagal niyang nakapikit, tila ayaw ng bumukas ng mga ito. Pinilit niyang idilat ang mga ito, habang inaayos niya ang kanyang pagkakahiga.

Nang maidilat niya ang kanyang mga mata’y bahagyang malabo pa ang kanyang mga nakikita. Hindi niya maaninag ang kanyang kapaligiran. Sinubukan niyang ituon ang kanyang pansin sa kanyang harapan habang unti-unting lumilinaw ang kanyang paningin. At habang ginagawa niya ito’y pakiramdam niya’y parang nangyari na ang tagpong iyon. Nang luminaw na ang kanyang paningin ay nagulat siya sa kanyang nakita.

Nasa loob siya ng isang magarang silid. Tila nasa loob siya ng kwarto ng isang mayaman. Maayos ang pagkaka-ayos ng mga gamit sa loob at napakaganda ng mga desinyo ng mga pader at kisame. At habang inaalala niya kung na-kaninong kwarto siya, ay biglang may nagsalita sa kanyang ulohan.

Ninja, gising ka na!” sambit ng isang boses na kanyang nakikilala.

Lumingon agad si Zach sa kanyang ulohan at kanyang nakita si Faizxa, nakaupo sa kabilang dulo ng higaan. Dali-dali siyang napa-upo at binati ang kaibigan. Ani Zach, “Mumu! Nako naman, para ka talagang multo! Ginulat mo na naman ako!

Ngunit ngumiti lang si Faizxa. Napansin ni Zach na para bang may bumabagabag dito. Tatanungin na sana niya ang kasama ng maunahan siya ni Faizxa sa pagsasalita.

Wika ni Faizxa, “Alam ko, na maya-maya’y tatanungin mo ‘ko kung paano ka napadpad dito. Well, sasabihin ko na kaagad sa’yo. Ang totoo’y sinusundan namin ng mga kaibigan ko, si Gino. Kaso, nawala siya bigla, I mean, kayo, nang makarating kayo sa pier. Tapos, nang biglang lumindol ng malakas, ay nakarinig ako ng nagbabagsakang bakal, na nagmumula sa barko. Sakto, pagkalingon ko sa hagdan paakyat ng barko, ay nakita kitang nakatayo sa tuktok nito, at ‘di nagtagal ay nasira na ang hagdan at nahulog ka sa tubig kasama nito. Syempre, alam mo na kung anong ginawa ko.

Ngunit para bang hindi natuwa si Zach sa isinalaysay ni Faizxa. Nagbago ang tingin niya sa dalaga, na para bang nagtataka, at saka nagtanong sa isang tono na para bang hindi siya naniniwala. Tanong ni Zach, “Dapat ko bang paniwalaan ang kwento mong ‘yan, Mumu? Totoo ba ‘yan?

Nabigla si Faizxa sa tanong ng kaibigan. Hindi niya maisip ang dahilan upang hindi ito maniwala sa kanya. “Zach, ba’t… ba’t ka naman nagdududa? Hindi ka ba naniniwalang niligtas kita?” patanong na sagot ni Faizxa.

Tugon naman ni Zach, “Kasi… kasi noong tinanong kita dati, noong unang beses pa lang tayong nagkita, sabi mo dinala ako ni Gino sa lumang apartment na tinuluyan natin, pero ‘di nagtagal, nagbago ang kwento mo’t inihayag mong ikaw ang nagligtas at nagdala sa’kin sa lugar na ‘yon. Ngayon, sabihin mo, totoo na ba ‘yang sinasabi mo? Ano bang tinatago mo mula sa’kin? Meron ka bang alam na hindi ko alam pero dapat kong malaman?“ Bumaba na ang tono ng pananalita ni Zach, ngunit hindi pa din nawawala ang kanyang nagtatakang tingin sa binibini.

Sandaling natahimik si Faizxa. Natahimik din si Zach. Dama ni Zach na nahihirapan si Faizxa na sabihin ang kanyang nararamdaman, at ganoon din ang dalaga sa kanya.

Matapos ang ilang sandali ng pananahimik ay nagtanong si Faizxa kay Zach, isang diretso’t kakaibang tanong, “Zach, mahal mo pa ba si Margarita? Umaasa ka pa ba sa kanya?

Bahagyang nablangko ang isipan ni Zach, pero ‘di nagtagal ay nasagot niya ang katanungan ng kaibigan. “Ewan ko ba. Alam ko namang wala akong puwang sa puso niya. At ang lalaking nagmamay-ari ng kanyang puso’t damdamin ay ‘di hamak na mas karapat-dapat kaysa sa’kin. Kung ipagkukumpara mo kami, isa siyang alas, a trump card, an ace, nangingibabaw sa lahat. Samantalang ako, isang payaso, a joker, an extra card. Sabagay, patawa lang ako’t extra sa buhay niya.” pahayag ni Zach.

Sumagot naman agad si Faizxa, “Pero katumbas ng joker ang kahit anong baraha sa isang deck. Kapag nawala ang alas, pwede itong pamalit.

Napangiti at gumaan ang loob ni Zach matapos madinig ang sinabi ni Faizxa. Napangiti din ang dalaga. Pakiramdam niya’y malaki ang naitulong ng sinabi niyang iyon sa nararamdaman ng kaibigan.

Matapos ang ilang sandali ng katahimikan ay bumanat ng biro si Zach, “Kung mawawala! Mukhang imposible eh, laging magkasama, parang conjoined twins! Hahaha!

Natawa ng bahagya si Faizxa, kahit ‘di nakakatawa ang banat ng kaibigan, bago niya ito niyaya na muling magpahinga. Pumayag naman si Zach at muling nahiga. Ngunit, sa kanyang paghiga ay biglang nanakit ang buo niyang katawan. Hindi niya mawari kung nabagsakan siya ng isang mabigat na bagay o nahulog siya mula sa isang mataas na palapag. Pumikit siya ng madiin, at matapos ang ilang segundo’y nawala ang pananakit ng kanyang buong katawan.

Pagdilat niya’y nagulat siya ng matagpuan niya ang kanyang sarili na nakahiga sa sahig ng kanyang kwarto. Hindi niya maalala kung paano o kailan siya napadpad doon. Tumayo siya mula sa kanyang pagkakahiga at saka umupo sa kanyang kama na katabi lamang niya nang siya’y magising. Nilingon niya ang isang nakabukas na bintana sa kanyang kanan at nakita niyang tirik na tirik pa ang araw sa labas. Nasabi niya sa kanyang sarili, “Tsk, nahulog na naman ako sa sahig habang natutulog. Hay nako naman.

Ilang minuto pa siyang nag-isip-isip at nagpawala ng antok, bago niya napagpasyahang bumaba sa kanilang kusina at kumuha ng makakain. Habang patungo siya sa pintuan ng kanyang silid ay napansin niyang may mga papel na nakakalat sa sahig. Pinulot niya ang mga ito’t binasa.

Nilalaman ng unang sulat na nakalagay sa isang maliit na piraso ng papel na kulay dilaw:

                                                                                 July 2012

zach,

     Can we talk? Please.

                                 -margarita

PS. sorry!

Nilalaman ng ikalawang sulat. Hindi na mabasa ang buong nilalaman ng sulat dahil nakalagay lamang ito sa isang kapiranggot na punit ng papel:

…ganun sila sa’kin. at ganun tayo.

June 2012

Nilalaman ng ikatlong sulat na nakalagay sa isang typewriting paper. Walang petsang nakapaloob dito:

Zachary E. Warner

Good Morning!

TULIRO KA?

This is me:

AND…

HOY PARE! ‘Wag mo akong kalimutan! Yo!!

Ewan ko ba pero namiss kita! :(

Mangiyak-ngiyak si Zach matapos niyang basahin ang mga sulat na nagpaalala sa kanya ng napakaraming pangyayari sa kanyang buhay. Pinipigilan niyang umiyak kahit na alam niyang hindi na niya ito mapipigilan pa.

Natapos ang kanyang pagbabalik alaala nang makita niya ang orasan na naka-sabit sa kanyang kwarto. Mag-a-alas-otso pa lang ng umaga. Naisip niya na maaga pala siyang nagising.

Pagkalabas niya ng kanyang kwarto ay pilit niyang inaalala kung kailan niya natanggap ang ikatlong sulat. Inaalala din niya kung kailan siya naka-uwi at kung natanggap ba niya ang ikatlong sulat bago ang serye ng mga kalamidad. At dahil hindi niya ito maalala’y tumingin siya sa kalendaryo na nakapaskil sa salas…

…Ngunit, kahit mas lalo siyang naliwanagan tungkol sa oras ng mga pangyayari, mas lalo naman siyang kinabahan, nang makita niya kung anong petsa na. 

Napabulong na lamang siya, “Oh… my… gosh…

At ayun nga, malinaw na nakasulat sa kalendaryo…

Araw pa lamang ng Biyernes, ika-21 ng Disyembre, 2012…

At panaginip lamang niya ang lahat ng naganap. Magsisimula pa lamang, kung sakaling totoo, ang pagkagunaw ng mundo.

~THE END~

Posted 9 months ago

Sa Pagkagunaw ng Mundo - XXVI

Sa Pagkagunaw ng Mundo

“Kapag nagugunaw na ang mundo, sinong ililigtas mo? Ang taong mahal mo ngunit hindi ka mahal o ang taong minahal ka ngunit hindi mo pinansin… …o ang sarili mo?”

Chapter XXVI - Panalo’t Pighati

Kinilabutan ang dalawa sa kanilang nakita’t nasaksihan. Hindi sila makapaniwala, lalo na si Lloyd, na si Aling Suya ang nagpaputok ng baril at siyang kumitil ng buhay ni Gino. Nanigas ang dalawa sa kanilang pwesto. Mga ilang sandali pa’t naglakad na ang matandang babae papalapit sa kanila habang dala-dala pa din niya baril na pinangpatay niya kay Gino.

Hudas ka. Anong karapatan meron ka para saktan ang anak ko? Ang galing mong magbintang ng kasalanan! Tama lang ‘yan, ibaon mo sa katawan mo ang mga balang pinaputok ko.” wika ni Aling Suya, na inilalaan ang kanyang mga salita para kay Gino, habang naglalakad papalapit sa kinauupuan ni Lloyd.

Kahit natatakot, pinilit tumayo ni Margarita at sinigawan ang babaeng pinakasusuklaman niya. “Demonyo ka! Bruha! Mamatay tao!”, sigaw ng dalaga habang unti-unting bumubuhos ang kanyang mga luha’t binabasa ang kanyang mga pisngi.

Nagalit si Aling Suya sa kanyang nadinig. Para bang mas lalong dumilim ang kanyang paningin. Itinutok niya ang kanyang dala-dalang baril kay Margarita at inasinta ang dalaga, nang biglang sumigaw si Lloyd at tinawag ang kanyang pansin.

Hiyaw ng binata, “Ma! ‘Wag mong gawin ‘yan! ‘Wag mong palalain ang sitwasyon!

Ibinaba na Aling Suya ang kanyang kamay na balak muling pumatay, at saka nilingon at naturingan niyang “anak” at saka nagwika, “Lloyd… bakit? Tutal nasimulan ko na, nakapatay na ako, bakit hindi ko pa tapusin ang aking nasimulan? At kung papatay lang din naman ako, ay dapat lang na patayin ko din ang babaeng ito!

Mali ‘yang ginagawa’t iniisip mo, Ma…” sagot ni Lloyd sa isang mahinahon ngunit kinakabahan na boses, “…dahil kung itutuloy mo ‘yan, pinapatunayan mo lang na hindi kayang magbago ng isang tao para sa ikabubuti niya. Ma, alam kong may galit ka kay Margarita, pero hindi ‘yan ang tamang paraan ng pag-express ng iyon nararamdaman.

Biglang napanghinaan ng loob si Aling Suya dahil sa mga sinabi ni Lloyd. Hinahanap niya sa kanyang loob-loob kung ano nga ba ang dapat niyang gawin at sabihin. Para bang na-blangko ang kanyang isipan at diwa. Naiwan niya ang kanyang sarili na nakatulala’t walang kibo.

Habang nawalan ng kibo si Aling Suya ay dahan-dahang lumapit si Margarita sa kanya, ngunit ‘di pa man nakakalayo ang dalaga’y naaninagan na kaagad siya nito. Muling itinutok ni Aling Suya ang kanyang dalang baril kay Margarita at saka nagwika, “‘Wag na ‘wag kang lalapit. Tinitiyak ko na patay ka, oras na ihakbang mo pang muli ang iyong mga paa.

Ma! Ibaba mo ‘yan!” muling sigaw ni Lloyd.

Sa pagkakataong ito, hindi ibinababa ni Aling Suya ang kanyang kamay datapwa’t sinagot niya si Lloyd. Anya, “Anak… sana maintindihan mo. Ito lang ang paraan, ito lang…

Habang nagtatalo ang mag-ina ay lumakad muli si Margarita papalapit kay Aling Suya. Kahit na binalaan na siya na huwag lalapit ay pilit pa din siyang lumalapit. Napansin siyang muli ni Aling Suya kaya nagpaputok ang ito. Umalingawngaw muli ang isang putok.

Nagulat si Lloyd sa ginawa ng kanyang ina. Ngunit, nang tiningnan niya si Margarita’y wala siyang nakitang galos o sugat na dulot ng pamamaril. Matikas pa ding lumalakad ang dalaga.

Ang kulit mo talaga hah?!” bulong ni Aling Suya. Inasinta niya ang baril sa ulo ng dalaga at saka sumigaw, “Binalaan na kita, pero ang kulit mo talaga. Tinakot na kita, nagpaputok na ako upang balaan ka pero gusto mo pa din talagang lumapit. Kung gusto mo nang makapiling ang ina mo sa langit, saluhin mo ‘to.

Hihilahin na sana ni Aling Suya ang gatilyo nang madinig niyang may tumatakbo sa gilid niya. Nilingon niya ito at nagulat siya ng bigla siyang banggain ni Lloyd. Tumumba silang dalawa sa sahig at nabitawan niya ang kanyang hawak na baril.

Ano bang iniisip mo anak?! Hindi mali ang gagawin ko!” hiyaw ni Aling Suya. Dali-dali niyang hinagilap ang baril na kanyang nabitawan. Nang maabot niya ito’y dali-dali siyang tumayo’t muling inasinta si Margarita.

Nang makita iyon ni Lloyd ay muli niyang inatake ang kanyang nanay-nanayan. Hinawakan niya ito sa kamay at pilit na inagaw ang baril na hawak nito. Si Aling Suya naman ay ayaw magpatalo’t hindi pina-agaw ng basta-basta ang kanyang sandata. Nag-agawan ang dalawa para sa pagmamay-ari ng baril. Sila’y naghilahan at naghatakan. Parehong ayaw magpatalo.

Ngunit, isang ‘di inaasahang pangyayari ang naganap. Isa na namang pagputok ng baril ang nadinig sa lugar. Tumigil bigla ang pag-aagawan ng mag-ina. Hinablot ni Lloyd ang baril, na mainit-init pa dahil sa pagkakaputok, at itinapon sa malayo. Pagkatapos ay binitawan niya ang kanyang pagkakahawak sa kamay ng kanyang naturingan na “step-mom”, inalalayan sa baywang, at saka nagwika, “Sorry Ma. Hindi.. hindi ko sinsadya…

Nahila ni Aling Suya ang gatilyo habang nag-aagawan sila, ngunit dahil sa lakas at higpit ng hawak ni Lloyd sa kanyang kamay ay naitutok ito ng binata sa kanyang tiyan bago ito pumutok.

Inihiga ni Lloyd ang duguang katawan ng kanyang pangalawang ina, iniyakan at patuloy na humihingi ng tawad. At habang umiiyak at sinusulit ni Lloyd ang oras na kasama niya si Aling Suya ay tuluyan nang lumapit si Margarita, na nabigla din sa mga nangyari.

Hindi na kumibo si Lloyd sa paglapit ni Margarita, samantalang nagsalita naman si Aling Suya at nag-wika ng kanyang mga huling salita.

Wika ni Aling Suya ng pa-utal-utal, ”Marga..rita.. pata.. tawarin.. mo ‘ko.. kung bi.. binalak kitang.. patayin. Nais… nais ko lang.. na mala..malaman mo.. na a..ako talaga.. ang pumatay.. kay Rita… Tama.. ang hinala.. ng ama mo.. nilason ko siya.. at may lason.. ang kutsarang gina..ginamit niya… Patawarin.. mo ‘ko…

Lumaki ang mata ni Lloyd sa kanyang nadinig ngunit parang balewala ito kay Margarita. Parang ayos lang sa kanya’t ‘di siya nagalit sa ipinagtapat ni Aling Suya.

Bago pa man tuluyang magpaalam si Aling Suya sa mundong ibabaw ay muli siyang kinausap ni Margarita, sa huling pagkakataon.

Aling Suya… una sa lahat, pinapatawad na kita. Marahil nadala lang ako ng aking damdamin nang tawagin kitang bruha kanina, pero bukod doon, wala na akong galit sa’yo. Napag-isip-isip ko lang, simula nang malaman kong ikaw ang step-mom ni Lloyd, na maliit lang talaga ang mundo at maraming pwede mangyari sa buhay natin. Hindi naman pinili ni Lloyd na maging step-mom ka niya, at hindi ko din pinili na makilala siya. Pero kung mamahalin namin ang isa’t-isa, may dalawa lang akong pagpipilian. Ang mawala ka sa landas ko o mapatawad kita. At mas pinili kong patawarin ka.. ‘yun ang dahilan kung bakit gusto kong lumapit sa’yo kanina. Upang maibulong ko sa iyo na pinapatawad na kita. Ngayon, iisipin niyo ni Lloyd kung bakit mas pinili kong magpatawad? Nabasa ko lang sa isang manga, at wika na din ni Zach dati, ‘Revenge creates a chain of hatred’. Kaya’t kung ipaghihiganti ko ang aking ina, ipaghihiganti din ng iyong mga kamag-anak ang iyong kasawian, at hindi na matatapos ang pagkalat ng galit at poot. At isa pa, naalala mo ba noong tinawag mong bitter ang ama ko? Ngayon, alam ko na ang ibig sabihin ng salitang iyon at hindi totoong ganoon ang ama ko dahil lumalabas na ikaw ang bitter, hindi lang bitter sa damdamin kundi mapakla pati ang ugali, dahil sa iyong ginawa sa aking ina at kay Gino. Pero ang sakit isipin na ganito ang sinapit mo sa iyong katapusan.

Pero, muli, inuulit ko… pinapatawad na kita. Alam kong mahirap na desisyon ang ginawa ko, pero ganitong klase ng mga desisyon ang kailangan ng sangkatauhan kung ayaw nating masira ng tuluyan ang ating mga buhay, samahan at mundo. Dahil ang isang malaking pagbabago ay nagsisimula sa isang maliit na desisyon.” sambit ni Margarita bago tuluyang bumuhos ang kanyang mga luha.

Hindi kumibo si Lloyd matapos madinig ang sinabing iyon ni Margarita. Sobrang dami ng nangyari sa buhay niya sa araw na ‘yun kung kaya’t na-blangko siya.

Si Aling Suya naman, sa unang pagkakataon, ay nakita ni Margarita na ngumiti. Ngiting walang bahid ng masasamang intensyon kundi ngiting puno ng kaligayahan. At sa mga huli niyang oras, nakangiti siya’t kapiling ang mga taong may kakayahang magpatawad at tuwirin ang maling landas ng kanilang kapwa.

Malayo pa ang lalakbayin ng barko, subalit tila lumalakas pa lalo ang ulan at tumataas pa lalo ang alon. Hindi pa man nagugunaw ang mundo’y nagunaw na ito para sa mga taong nawalan kaagad ng pag-asa sa buhay. Nagunaw na ito para sa mga taong hindi marunong magpatawad ng mga kasalanang karapat-dapat patawarin. Nagunaw na ito para sa mga taong walang pagpapahalaga sa sarili. Nagunaw na ito, o kung hindi man, ay nagugunaw pa lang para sa mga taong walang moral at hindi marunong magmahal.

Posted 10 months ago

Sa Pagkagunaw ng Mundo - XXV

Sa Pagkagunaw ng Mundo

“Kapag nagugunaw na ang mundo, sinong ililigtas mo? Ang taong mahal mo ngunit hindi ka mahal o ang taong minahal ka ngunit hindi mo pinansin… …o ang sarili mo?”

Chapter XXV - Utang Na Dignidad

Hindi makapaniwala si Margarita at si Lloyd sa kanilang nasaksihan. Wala na si Zach. Pinili niyang mahulog sa karagatan kasama ng mga isda’t bakal kaysa makaligtas. Malabo man para sa kanila ang naging desisyon ng makisig na binata’y wala na din silang magagawa. Wala na siya.

Ilang minutong umiyak at nagluksa si Margarita sa pintuan ng barko. Tinabihan siya ni Lloyd at dinamayan hanggang sa maubos ang kanyang mga luha. Nang matanggap ng ni Margarita sa kanyang loob-loob na wala na ang kanyang kaibiga’y pinili na niyang magpahinga. Inakay siya ni Lloyd paakyat kahit na kumikirot ang tuhod ng binata mula sa masamang pagkakabagsak sa sahig kanina.

Pagdating sa “Central Hall” ng magarang barko’y nadatnan sila ni Gino. Kaagad nitong hinanap si Zach. Anya, “Oh, an’tagal niyo naman. Nasaan si Zach?

Hindi sumagot ang dalawa. Tinignan lamang nila si Gino gamit ang kanilang maluha-luhang mga mata.

Nagtanong siyang muli, “Huy, ano ba? Nasaan si Zach? Margarita, nasaan siya? Kasunod mo lang siya, ‘di ba?

Ngunit hindi pa din sila sumagot. Lumayo na ng tingin si Lloyd habang pinipigilan naman ni Margarita ang muling pagbagsak ng kanyang mga luha.

Nagkaroon na ng masamang kutob si Gino. Nilakasan niya ang kanyang boses, at sa pangatlong pagkakatao’y hinanap ang kaibigan, “Margarita, nasaan si Zach?! Sagutin mo ‘ko! Nasaan siya… Margarita..

Napagtanto na niya ang katotohanan. Nabatid na niya ang gustong ipahiwatig ng dalawa sa kanilang hindi pagsagot. Unti-unti siyang napanghinaan ng loob. Sa isang iglap ay bumagsak ang mga luha mula sa kanyang mga mata.

Bumitaw si Margarita mula sa pagkaka-akay ni Lloyd at nilapitan si Gino. Hinawakan niya ito sa balikat at nagwika, “Gino… sorry Gino. Ginawa namin ang lahat upang.. upang makumbinsi siya, kaso pinili niya ang daan na kanyan tinahak. Gino… patawad…

Ilang sandali pa’t bumuhos na din ang luha ng dalaga. Hindi na niya mapigilan ang damdamin niyang kanina pa gusto sumabog at kumawala.

Maraming tao sa “Central Hall” ang nakadinig at nakakita sa kanilang pagtangis, at dahil dito’y niyaya ni Lloyd ang dalawang kasama na lumabas muna at doon magpahangin at maglabas ng nararamdaman.

Habang naglalakad sila patungo sa labas ng barko’y ‘di pa din tumitigil sa pag-iyak ang dalawa. At nang makarating sila sa “Upper Deck” ay mas lalo pa itong lumakas.

Maayos at malinis ang itaas na bahagi ng barko na napuntahan nila Margarita. Walang taong nakatambay dito, kung kaya’t doon nila napagpasyahang manatili sandali. Ilang sandali pa’t humina na ang pag-iyak ni Margarita, siguro dahil napag-isip-isip niyang kanina pa niya iniiyakan si Zach. Si Gino nama’y hindi pa din tumitigil sa paghagulgol, at dahil dito’y pinilit siyag patahanin ni Margarita.

G-Gino.. alam kong masakit, pero.. pero wala na ding magagawa ang pag-iyak natin. Ang ating pagluha’t pag-iyak ay magiging simbolo lamang ng pagluluksa para sa ating mahal, pero, hindi na maibabalik ng mga luhang ito ang taong iyon. Please… please, tama na.” wika ni Margarita, na pilit na pinapatahan ang kaibigan.

Ngunit wala pa din itong epekto kay Gino. Patuloy pa din siya sa kanyang pagdadalamhati. Tama nga siguro na kapag umiyak ang isang taong sobrang masayahin ay sobra-sobra din.

Si Lloyd naman ang sumubok magpatahan sa kanya dahil napansin nitong nahihirapan na din ang dalaga. Anya, “P’re, ginawa namin ang lahat para maka-sakay siya pero…

Naputol ang pagsasalita ni Lloyd ng tumigil bigla si Gino sa paghagulgol at tiningnan siya ng masama. Biglaang hinablot ni Gino damit ni Lloyd at saka nagwika ng pasigaw, “Ginawa mo ang lahat?! Niloloko mo ba ako?!

Itinaas ni Lloyd ang kanyang mga kamay, pahiwatig na hindi siya lalaban, matapos ay nagwika, “Gino, huminahon ka.. Oo, ginawa namin ang lahat kaso si Zach na din mismo ang pumili ng…

Natigilan siya sa pagsasalita nang bigla siyang itulak ni Gino, dahilan upang siya’y masubsob muli sa malamig na sahig. At dahil sa muli niyang pagkakabagsak ay mas lalong sumakit ang kanyang tuhod. Pakiramdam niya’y pilay na siya.

Pinilit awatin ni Margarita si Gino ngunit itinatabi lamang siya nito’t ayaw magpa-awat. Lumapit si Gino kay Lloyd, hinawakan muli sa damit, at saka itinayo. Hindi naman pumalag si Lloyd dahil nawawalan na siya ng lakas at nanghihina na ang kanyang tuhod.

Muling sinigawan ni Gino ang binata, “Kung ‘di dahil sa’yo, ‘di kami mapapadpad sa barkong ito! Sa simula pa lang, kasalanan mo na kung bakit kami napunta dito. At, kung ano man ang naging huling desisyon ng aking kaibigan, maililigtas mo pa sana siya! Pero alam ko kung bakit hindi mo siya nagawang mailigtas kahit alam mong kaya mo… para mapa-sa’yo si Margarita! Tama ba?! Hah?!

Tumugon sa mahinang boses si Lloyd, “Nagkakamali ka, Gino…

Mas lalong nag-init ang ulo ng Gino dahil sa kanyang nadinig. Hindi na siya nakapagpigil. Sinuntok niya si Lloyd sa mukha gamit ang isang kamay habang hawak naman ng isa ang damit ng kawawang binata.

Napasigaw si Margarita dahil sa ginawa ni Gino, “Gino! Tama na! Tama na! Walang kasalanan si Lloyd!

Subalit ayaw talagang tumigil ni Gino. Muli niyang sinuntok ang binata sa mukha at saka inihagis sa sahig. Dali-daling nilapitan ni Margarita ang kawawang katawan ni Lloyd ngunit hinarang siya ni Gino. Umiling si Gino kay Margarita, na para bang ipinapahiwatig niya sa dalaga na huwag lalapit.

Matapos harangin si Margarita’y muling dinakma ni Gino si Lloyd, sa pagkakataong ito’y sa batok niya ito tinangan. Dahil sa laki ni Gino, at dahil na din sa mga suntok na natamo niya, hindi na lumaban si Lloyd. Nang maitayo na siya ni Gino ay muli itong nagsermon.

Sambit ni Gino, “Ako pa ang mali?! Hah! Akala mo makakalusot ka?! Halata namang naghahanap ka talaga ng paraan para mawala sa landas mo si Zach! Pinapatunayan mo lang na mayroon ngang mayayaman na sakim! Sakim, hindi lang sa pera at sa kapangyarihan… sakim din sa pagmamahal! Alam naman nating lahat na pantay-pantay ang lahat ng tao pagdating sa pag-ibig. Kung pangit ka pero mayaman ka naman, pwede mo ‘tong bilhin. Kung mahirap ka lang ngunit maganda ka o gwapo, may magmamahal pa din sa’yo. Pero, alam mo kung sino ang pinakaswerteng tao sa mundo pagdating sa ganyang bagay? Hindi siya gwapo, maganda, sexy, mayaman o sikat. Ang taong ‘yon, ay may puso na handang magbigay at magmahal ng kapwa. Isang taong marunong magpatawad sa taong nararapat, at isang taong hindi sakim. Hindi ikaw ang taong ‘yun… ang taong ‘yun ay si Zach!

Pinilit ni Margarita na lumapit at awatin ang kaibigan ngunit binalaan siya ni Gino na baka matamaan siya kapag muli niyang inihagis ang katawan ng “walang kwentang” si Lloyd.

Muli niyang itinuon ang kanyang pansin kay Lloyd. Nakita niyang hindi na makadilat ang kaliwang mata ng binata dahil sa pasang natamo nito mula sa kanyang suntok. Subalit hindi pa din siya nagpa-awat. Sinikmurahan niya si Lloyd at saka binitawan. Pagkahandusay ni Lloyd ay siya namang pagtadyak ni Gino sa lupaypay niyang katawan.

Hindi na nakapagpigil si Margarita. Patakbo niyang tinungo ang bugbog na kaibigan subalit muli siyang hinarang ni Gino. Sa pagkakataong ito’y hinawakan ni Gino ang dalawang balikat ni Margarita, at saka kinausap.

Margarita, iwanan mo na ‘tong lalaking ito! Plinano niya ang lahat! Hindi mo ba nakikita?! Kung buhay lang si Zach, ipaglalaban pa din niya ang nararamdaman niya para sa’yo!” galit na wika ni Gino.

Sinulyapan ni Margarita ang bugbog na katawan ni Lloyd na nakahandusay sa malamig na sahig. Nakita’t nadinig niya itong nagwika sa isang pagal na boses, “Ma-Margarita… may punto siya..

Nadinig din ito ni Gino, kung kaya’t nilingon niya ito ng sandali, at saka muling kinausap ang dilag, “Margarita, ikaw ang magpasya. Iiwan mo ba ang lalaking ito para kay Zach o itatakwil mo ang aking kaibigan?

Gumulo lalo ang isipan ni Margarita. Wala siyang maisagot sa katanungan ni Gino, hindi na din niya kayang makita na naghihirap si Lloyd, at lalo siyang nasasaktan kapag naalala niya ang sinapit ni Zach. Wala na siyang nagawa pa kundi ang pumikit ang mag-isip, habang dahan-dahang tumutulo ang kanyang mga luha.

Diniinan niya ang kanyang pagkakapikit. Hindi siya nag-iisip ng solusyon kundi iniisip niya na sana’y panaginip lamang ang lahat. Pinilit niyang pumikit hanggang sa kanyang makakaya… nang bigla siyang makadinig ng dalawang putok.

Daglian siyang dumilat. Muli niyang sinulyapan si Lloyd, ngunit wala namang galos ang binata. Habang nakatingin siya kay Lloyd ay biglang gumaan ang hawak ni Gino sa kanyang balikat. Tiningnan niya si Gino at nagulat siya sa kanyang nakita.

Duguan ang damit ni Gino at mayroong dalawang maliit na bilog na animo’y binutas. Nanginginig ang katawan ng kanyang kaibigan, at may dugo na lumalabas sa bibig nito. Ilang sandali pa’t bumigay na ang katawan ni Gino’t tuluyan ng bumagsak.

Kaagad na sinalo ni Margarita ang mabigat na katawan ni Gino, at dahan-dahan inihiga sa sahig. Dahil sa bilis ng mga pangyayari’y wala siyang masabi. Tila na-pipe siya. Nang makita niya ang kanyang braso na pinansalo kay Gino na puno ng dugo, ay napabulong na lamang siya, “Gino.. Oh hindi, G-Gino?

Kasabay ng kanyang pagbulong ay nadinig niyang nagsalita si Lloyd. Ani ng binata, na para bang gulat na gulat, “Oh hindi… Ma?!

Agad na tiningnan ni Margarita si Lloyd at nadatnan niya itong nakatingin sa malayo, patungo sa likuran ng kaninang kinatatayuan ni Gino, at nang tiningnan niya ito’y mas lalo pa siyang nasindak.

At dahil dito’y muli siyang napabulong, na katulad ni Lloyd, na puno ng pagkasindak at pagkabigla, “Aling Suya?!

…to be continued

Posted 10 months ago
PLES, POS DA REMEYNING TSAPTERS OV YOR NOBELA, DIR. OR I WILL SLAP YO PES!

Pweh! Gets mo? HAHAHAHA! :)))))))))))))))))))))))))))))))))))))))))))))))))
awesomedemiii asked

GETS KO :))

Posted 10 months ago

Sequel, Upcoming, Swerte, Atbp. Super Remix

Hoy! Hoy! Hoy! Hahahaha!

Huling post ko dito sa Tumblr na hindi parte ng “nobela” na SPNM ay last year pa. Hahahaha! Sa wakas, makakapag-post ulit ako bilang si “ako” at wala ng iba. :D

Oh yes, sa wakas, at nakaraos din sa pagkahaba-habang pagsusulat tungkol sa buhay nila Zach, Margarita at Lloyd. Though hindi ko muna i-po-post ang last remaining chapters (oo, bitin ‘yung naka-post), eventually i-po-post ko din ‘yung mga ‘yun before July ends.

Para sa lahat ng nagbasa, nagcomment, naglike sa facebook ng post at napadaan (kasama na ‘yung mga kaibigan ko na pinilit kong magbasa) sa dito sa Tumblr ng aking munting nobela tungkol sa pagkagunaw ng mundo… maraming salamat! Salamat sa pagtitiyaga at pagtangkilik.

Sana, kapag susubukan ko na itong ipa-publish ay meron namang tumanggap, hahaha!

School matters: Medyo nakakalungkot dahil hindi ako natanggap bilang writer para sa school/college newspaper namin. Wala naman kasi akong background sa journalism, gusto ko lang naman i-try ang skill ko sa pagsusulat ng mga kawirduhan.

Pero… katulad nga ng sabi nila, na lahat ng nangyayari ay may kapalit o kabaligtaran. Mas maganda kung tayo’y mag-stay positive. Tulad ng nangyari sa’kin nito lang…

Hindi man ako natanggap this sem as writer sa school (at hindi na maaaring sumali pang muli dahil higher year na ako)… nanalo naman ako ng netbook sa raffle! Hahahaha! Putek, sobrang solid na premyo, kasi ‘yung raffle ay galing sa ticket noong nanood kami ng Transformers 3 in 3D kung saan nilibre lang ako! Haha!

So kids, stay positive, kahit magugunaw talaga ang mundo sa 2012. Buwahaha!

Back to my literary work.

Kung iniisip niyo (at tulad na din ng ipinayo ng isa kong kaibigan), kung magkakaroon ng sequel ang nauna kong isinulat… pwede! Pero, hindi pa sa ngayon.  May iba kasi akong balak gawing panibagong literary piece.

So, magunaw man ang mundo nila Zach, Margarita, Lloyd atbp., oras na upang ating masaksihan…

“Ang Paglalakbay Ni Gardo PANGKS!”

Yup. Tama ka sa iniisip mo (siguro).

‘Yan ang title ng bago at sisimulan ko pa lamang na kwento.

PANGKS? Tagalog na pagbigkas sa English word na “punks”. Pero may meaning ‘yan, mga men! Pilipinong Astig Na Galit Kapag Sinaway.

So, kung kailan ko man ito matrippan i-post/upload, ay sana’y basahin niyo/mo pa din. Hahaha! Promise, i-ta-try kong ipa-publish ang mga gawa ko.

Hanggang sa muli, mga repapips. :D

**Spoiler Note***

Ang Paglalakbay ni Gardo PANGKS!

Samahan natin si Gardo sa kanyang paglalakbay dito sa mundong ibabaw. Kasama na din ang kanyang mga kaibigan na sina Bertong Bayawak, Pepeng Kuryente, ang kanyang imaginary friend na si Karlabaw, at marami pang iba. Whutdaef!

**End**

Posted 11 months ago

Sa Pagkagunaw ng Mundo - XXIV

Sa Pagkagunaw ng Mundo

“Kapag nagugunaw na ang mundo, sinong ililigtas mo? Ang taong mahal mo ngunit hindi ka mahal o ang taong minahal ka ngunit hindi mo pinansin… …o ang sarili mo?”

Chapter XXIV - Paalam

Matapos ang sandaling lindol na yumanig sa ilang lungsod ay naging aktibo na muli ang mga ahensya ng gobyerno at nagpatuloy na ang mga operasyon sa pagsagip sa mga nasalanta. Hindi man kasi ito kasing lakas ng mga naunang pagyanig ay marami pa din itong napinsala. Ilan sa mga marupok na gusali na tinutuluyan ng karamihan ay bumigay na, na naging dahilan upang mawalan ang maraming tao ng pansamantalang tirahan.

Tuluyan nang naglaho ang pag-asa para sa ilang mga taong nawalan ng tirahan. Iniisip kasi nila na mangyayari muli ang mga sakunang naganap na kaya balewala na din ang paghahanap ng bagong matutuluyan.

Wala na nga bang pag-asa?

Malayo na ang nararating ng grupo nila Zach, dalawang oras mula ng gumuho ang gusaling tinutuluyan ng kanyang mga kaibigan. Ang tanging pag-asa na lamang nila upang makaligtas sa mga susunod na deliryo ay ang makatungtong sa sinasabi ni Lloyd na barko. Kapag nakalulan na sila dito’y ihahatid sila nito sa mas ligtas na lugar na may matataas at matitibay na gusali.

Ilan sa kanilang mga kaibigan ang sugatan. Isa na dito si Denzel, na nabagsakan ng isang medyo may kalakihang bato na nahulog mula sa isang gusali nang ito’y gumuho. Nawalan siya ng malay at may sugat ang kanyang noo kaya’t dinala nila siya sa isang “medical group” na naka destino sa outpost nila. Matapos ang ilang pagsusuri at pagsasagawa ng first-aid ay nagising na siya. Hindi siya pinayagang sumama sa kanyang mga kaibigan ngunit nagpupumilit siyang maglakbay kasama ang mga ito kung kaya’t humayo din siya kasama nila.

Si John din, na hindi na nila nakasama sa kanilang paglalakbay dahil ito’y nasa ilalim ng pangangalaga ng mga mediko. Ang buong akala nila noong una’y nalibing na siya ng buhay sa loob ng apartment ngunit sa kabutihang-palad ay nasagip siya kaagad ng mga sundalong nagsagawa ng “search-and-rescue” sa nasabing gusali. Natagpuan siya ni Zach nang dalhin nito si Denzel sa mga mediko. Hanggang sa mga oras na ito’y hindi pa din siya nagigising.

May iba pa silang mga kakilala’t kaibigan na ngayo’y nagpapagaling at nagpapahilom ng mga sugat sa mga maliliit na ospital. Nabawasan man sila’y may mga dumagdag din sa grupo nila. Isa na dito si Chris na dumating sa outpost ilang minuto matapos ang lindol.

Nang malaman ni Chris ang sinapit ng ilan sa kanyang mga kaibigan ay naluha siya. Nagwika siya kay Zach na kung maaga lamang siyang nakarating ay baka nailigtas pa niya ang kanyang mga kaibigan mula sa kapahamakan.

Nang mga isang kilometro na lang ang layo nila mula sa pier, kung saan tanaw na nila ang barkong magsisilbing tirahan nila, ay naabutan nila si Gino. Agad siyang tinawag ni Chris. Nang makita niya ang kanyang mga kaibigan ay nilapitan niya ang mga ito at tinanong, “Oh, saan ang punta niyo? Akala ko ba tumutuloy kayo sa isang outpost?

Ipinaliwanag ni Sue ang mga nangyari. Na-ikwento din niya ang nangyari kay John, at, katulad ng naramdaman ni Chris, ay nalungkot siya’t nagsisi. Nanghinayang siya, na dapat ay sumama na lang siya kay Zach nang magpunta ito sa outpost nila at baka nailigtas pa niya ito.

Habang inilalahad ni Sue ang kanilang mithiin na makasakay sa isang matibay na sasakyang pangdagat ay napansin ni Zach na hindi kasama ni Gino si Faizxa, kung kaya’t pagkatapos mag-usap nila Gino at Sue ay tinanong niya ang kaibigan kung saan ito patungo at kung nasaan na din ang dalagang nagligtas sa kanya.

Anya, “Gino, ano nga palang ginagawa mo dito’t naglalakad kang mag-isa, saka, nasaan nga pala si Faizxa? ‘Wag mong sabihing… may masamang nangyari sa kanya?

Tugon naman ng kasama, “Ah, nangangamba kasing masira ‘yung tinuluyan nating gusali kaya lumabas na kami ni Faizxa. Eh nakakita siya ng mga kakilala niya kaya sumama na siya sa mga ‘yon. Pinipilit niya akong sumama sa kanila pero giniit kong hahanapin ko kayo.

Napangiti ng bahagya si Zach nang malaman niyang ligtas ang dalaga. Hindi din naman niya inaasahang malalagay ito sa peligro.

At, matapos ang ilan pang maikling kwentuhan, ay nagpatuloy na sila sa paglalakad.

Nang marating nila ang harapan ng pier ay humiwalay sandali si Lloyd. Walang nakapansin sa kanyang paglisan maliban kay Zach. Nakita niya itong pumasok sa isang maliit na kwarto at may kinausap na sundalo. Sandali lang ang usapan nila kaya nakabalik agad siya bago pa man siya mapansin ng iba pa nilang mga kasama.

Mukhang pangpublikong barko ang kanilang sasakyan kahit na ang gara nito dahil sa dami ng taong nagpupumilit sumakay dito. Sa sobrang dami ng tao’y halos ‘di na magkanda-ugaga ang mga kargador sa pier.

Habang naghahanap ng mapapasukan at makaka-usap na opsiyal ang mga kasama ni Zach, ay bumubulong-bulong ang binata, “Parang magbabakasyon lang ah. Parang an’sarap tuloy kumanta ngayon.

Napansin ito ni Gino kaya kinausap niya ang kaibigan, “Bubulong-bulong ka na naman diyan, tingnan mong hindi na nga kami magkanda ugaga sa kakahanap ng mak..

Naputol sa pagsesermon si Gino nang biglang yumanig ang lupa, isang mahina’t mabilis na pagyanig. Lalong nagkagulo sa pier. Lumakas ang mga sigawan at dumami ang mga nagtatakbuhan paakyat ng barko.

Nagwika si Lloyd, “Mukhang kailangan nating bilisan! Tara, sundan niyo ‘ko, may alam akong mabilis na daan paakyat ng barko.

Nang marinig nila ang panghihikayat ni Lloyd ay lumakas ang kanilang loob. Sinunod nila ang sinabi niya at siya’y kanilang binuntutan. Habang tumatakbo’y nagsasalita na naman si Zach mag-isa, na para bang kumakanta, “This is what we’ve waited for! This is it, boys! This is war!

Narinig na naman ni Gino ang kabaliwan ng kaibigan kaya sinermonan na naman niya ito, habang tumatakbo, “Manahimik ka na nga! Nagkakagulo na oh!

Matapos ang ilang sandali ng pagtakbo’y narating nila ang paanan ng bakal na hagdan na nagsisilbing tulay patungo sa pintuan ng barko. Masyado ng masakip ang hagdan dahil sa dami ng taong nakapila paakyat nito. Ang nasabing daan paakyat ay binabantayan ng mga sundalo upang hindi magkagulo ang mga taong nakapila dito, at para na din walang sisingit at magsisimula ng gulo. Walang ng nagawa ang grupo nila Zach kundi sumabay sa pila.

Medyo may katagalan ang pag-usad ng pila. Nababagot na si Zach dahil siya ang nasa dulo ng pila ng kanilang grupo at dahil na rin sa tagal ng kanilang pag-akyat, kung kaya’t  naisipan niyang nagmasid-masid sa paligid. Napansin niyang halos lahat ng kasama nila sa pila ay mukhang mayayaman. Mayroon pa nga siyang nakitang mga sikat na personalidad.

Bukod sa dahan-dahang pag-akyat ay nawalan na naman siya ng gagawin kung kaya’t kinalabit niya si Margarita, na nakapila sa harapan niya, at saka kinausap, “Gusto mo, kantahan kita?

Napansin niyang lumingon si Gino, na nasa unahan ng kanilang pila, at para bang natatawa ito. Sumagot naman si Margarita, “Oh sige, bahala ka.

Oh sige hah!” tugon naman ng binata, at pagkalipas ng ilang sandali’y nagsimulang kumanta, “If you want to, I can save you. I can take you away from here!

Save, save… mukha mo! Nyahahaha!” pang-aasar ni Gino.

Habang kumakanta’y narinig niyang naghihiyawan ang mga tao sa ibaba nila. Nasa bandang gitna na sila ng hagdanan at medyo mataas na din ang kanilang naa-akyat. Nang napalingon siya sa ibaba upang tingnan kung anong nangyayari ay nalula siya. Napabulong siya kay Margarita, “Oh! Margarita, pwede bang pakibilisan ang paglalakad, may fear of heights kasi ako eh.

Nang marinig iyon ng dalaga’y natawa ito. At mas lalo tuloy siyang pinagtawanan ni Gino.

Ilan pang minuto ang lumipas at nakatungtong na din si Gino sa barko, sumunod si Sue, Kara at ang iba pa nilang mga kasama. Matapos makapasok ay agad na dumidiretso ang mga pasahero sa tinatawag na “Central Hall” ng barkong iyon upang hindi na maging sagabal at pangpasikip sa pintuan.

Nang mga panahong iyon, atat na atat na si Zach makalulan at makapagpahinga.. nang bigla na namang lumindol. Kapapasok pa lamang ni Lloyd sa loob nang mas lalo pang lumakas ang pagyanig. Nakarinig sila ng pagkaluskos ng bakal at mas matitinis na sigawan sa labas. Nang lingunin niya si Margarita, na kanyang kasunod sa paglulan, ay nakita niyang unti-unting nasisira ang hagdan na kanilang inakyat.

Bumalik siya sa hagdan at inalalayan si Margaritang maka-akyat. Naunang niyang pinapasok si Margarita. Ngunit, laking gulat nila nang saktong makatungtong ang dalaga sa barko, ay biglang bumuga ng usok sa kalangitan ang tambutso nito at saka dahan-dahang lumarga.

Kasalukuyan pang nasa dulo ng makipot na hagdan sila Zach at Lloyd nang gumalaw ang barko. Nang maramdaman ni Margarita na gumagalaw na ang barko’y nilingon niya kaagad sila Zach at Lloyd. Dalawang metro na kaagad ang layo niya mula sa kanila.

Muli, hindi na naman niya alam ang kanyang gagawin. Dala ng nagbabagang damdamin para sa dalawang binata at ng mga pangyayari, ay walang pagdadalawang-isip niyang ini-abot ang kanyang kamay.

Nagkatinginan ang dalawang binata, medyo nagkakahiyaan pa. Sandali silang natahimik at muling nagkatitigan, bago nagwika si Zach, “Sige na, abutin mo na! Alam ko namang plinano mong makaligtas si Margarita. Nang malaman mo palang na tumutuloy si Margarita kasama nila John eh inihanda mo na ang plano mong makasama siya sa paglikas. Kung ‘di lang din naman dahil sa’yo, hindi kami, sila, tayo, makakarating dito.”

Nagbuntong-hininga si Zach bago muling nagwika, “Sorry nga pala, sa lahat-lahat.

Natahimik si Lloyd. Hindi niya inaasahang sasabihan siya ni Zach ng mga ganoong bagay.

Naputol ang kanyang pag-iisip nang marinig niya ang sigaw ni Margarita, “Ano ba?! Abutin niyo na ang kamay ko! Sumakay na kayo!

Humarap si Lloyd sa dalaga, inabot ang kamay nito’t tinalon ang pintuan ng barko. Pinilit siyang hatakin ni Margarita upang hindi siya malaglag kung sakaling kapusin ang kanyang pagtalon, at dahil sa bigat niya’y tumumba ang dalaga sa malamig na sahig ng barko. Subalit dali-daling tumayo si Margarita at muling inilabas ang kanyang mga kamay upang abutin naman ni Zach.

Ngunit, biglang nasira ang hagdan at ang kinatatayuan ni Zach ay hindi na kapantay ng pintuan ng barko. Humawak ng maigi si Zach sa magkabilaang gilid ng hagdan at pinilit niyang huwag lumingon sa ibaba. Ang mga tao sa likod niya’y nagtatakbuhan na pababa upang hindi na sila mahulog at mabagsakan ng bakal na hagdanan. Binalak na din ni Zach bumama ngunit pinipigilan siya ng kanyang damdamin na iwanan si Margarita, lalo pa’t isinisigaw nito ang pangalan niya.

Zach! K-kaya mo pa ‘yan, abutin m-mo lang ang kamay ko, hindi ka mahuhulog.. Tumalon ka! Please..” pautal-utal na’t pahina na ng pahina ang hiyaw ng dalaga dahil ito’y maluha-luha na’t malapit ng umiyak, “…please, kaya.. kaya mo ‘yan. P-please.. Zach… ‘wag kang bibitaw.. think.. think p-positive nga.. ‘di ba?” At habang ini-aabot niya ang kanan niyang kamay ay pinampupunas naman niya ng kanyang mga luha ang kaliwa.

Tumingala si Zach at pasigaw na nagwika sa dalaga, na animo’y hindi natatakot mahulog sa malalim na karagatan, “Margarita! ‘Wag ka nang magsayang ng lakas. Pumasok ka na sa loob. Hayaan mo, magkikita din tayo ulit. Basta’t lagi mong tatandaan, ipinapangako kong ikaw lang at wala nang iba! Totoo ‘yon! Inaamin ko, na kahit marami akong crush at madali akong maakit sa ibang babae na maganda’t sexy.. tulad nung tsinitang bantay ng free comics section sa isang convention, o kaya dun sa napakaganda’t mala-artistang binibini na anak ng dentista sa lugar namin, o kaya dun sa kaklase ko sa subject kong Electric Circuits na pinsan pala ng kaklase ko noong high school, o kaya nama’y dun sa isa kong schoolmate na kamukha ni Yuki ng RHJ Volume 25.. hinding-hindi ko ipagpapalit ang pag-ibig kong nakalaan para sa’yo!

Tuluyan ng bumuhos ang mga luha ni Margarita. Napaluhod siya sa sahig, umiiyak. Datapwa’t napanghihinaan na ng loob dahil sigurado na siyang hindi na makakalulan ng barko si Zach, ay pilit pa din niyang ini-aabot ang kanyang kamay.

Muling tinawag ni Zach ang pansin ng dalaga. Muli niya itong kinausap, at sa pagkakataong ito’y maluha-luha na ang binata, “Teka, ‘di ba, s-sabi ko kanina, k-kantahan kita? Kakantahan pa din kita hanggan sa tuluyan ng maka-alis ‘yang barkong ‘yan! Ready ka na?

Hindi na nakasagot ang dalaga. Napuno na ng kalungkutan ang kanyang isipan. Narinig na lamang niyang nagsimula nang humuni ng kanta si Zach.

At nang mga oras ngang ‘yon, nang makita ni Zach na umiiyak na ang dalaga’t ayaw na nitong magsalita, sinimulan na niyang kumanta, kahit na pautal-utal siyang kakanta dala ng kanyang mabigat na nararamdaman, “Lahat ng… p-pangarap ko’y.. bigla.. bigla lang natunaw. S-sa panaginip… sa p-panaginip na lang… pala.. kita… maisasayaw… ooohh-oohh…

At, sa isang iglap, ay tuluyan nang bumagsak ang hagdan na bakal na kinatatayuan ni Zach. Kitang-kita’t dinig na dinig ni Margarita ang pagbagsak ng mga bakal sa dagat, kung kaya’t lumingon siya palayo upang hindi niya makita ang sinapit ng binata, at saka sumigaw, “Zaaach! ‘Wag mo ‘kong iiwan! Zaaach!

Ngunit, sa pagkakataong ito’y wala ng sumagot sa kanyang hinaing.